Buhos na din ang trapik sa buong kamaynilaan. Lalu na yung malapit sa mga paliparan dahil sa pag-uwi ng mga kamag-anak na nasa abroad. Ang mga palitan ng dolyar sa mga mall at Ermita ay mahaba na din ang pila. Di man naka-uwi ang iba, pera na lang ipinadala. Dagsa na din ang mga mamimili’t mandurukot sa Baclaran at 168 sa Divisoria.
Sa tulad kong kayod marino sa pagtatrabaho ng isang buong taon, ang inaasam na 13th month ay ubos na. Naikasa ko na rin ang mga perang nakuha sa mga raket. Kaya hayun, yung suweldo na pang-Disyembre ang ibabakas sa panggastos sa Pasko.
Ang sabi nga ng mga tusong negosyante, tuwing piyesta at Pasko nga lang gumastos ng todo ang Pinoy. Kahit pa katayin na ang kaisa-isang baboy sa bakuran at limasin ang ipon sa tukador at banko, makapag-handa lang sa okasyong ito. Tama nga!
Bakit nga hindi? Minsan lang sa buong taon ang tumodo sa gastos para lang maranasan ang lubos na kasiyahan sa pagbibigay kesa ipagdamot ang kita. One day millionaires daw tayong mga Pinoy. Siguro nga. Hindi kasi tayo likas na madamot. Masayahin at matulungin dala ng pagiging maka-Diyos at maka-pamilya.
Sabi nga ng asawa ko, over-quota na daw kami sa budget sa Pasko. Madaming regalo ang naipamigay at maraming beses na ding nagbalik-balik sa mall at grocery para sa iba’t-ibang handaan. Bukod pa yun sa Noche Buena ha!
O sige, baka makalimot tayo sa tunay na diwa ng Pasko. Ito ang pagsilang ng Panginoong Hesus na nagbigay ng bagong buhay sa atin. Ito ay ating ipinagdidiwang sa kapaskuhan. Ang bagong buhay na ito ay ating ipinadadama sa lahat ng ating mahal sa buhay. Maging kapamilya, kapuso, kabayan, kabagang, kakosa o ka-anu-ano pa natin sila.
Sa bispiras ng Pasko, kabi-kabila na ang mga concert ng mga kabitbahay ko! Kanya-kanya na ang mga hari at reyna ng videoke. Bumabaha na din ang San Mig Light at Pale Pilsen at Duty Free na alak.
Sa di kalayuan, naririnig ang pagtawag ng simbahan para sa misa. Naglalakad na ang mga taong naka-pustura. Karamihan ay kulay pula at berde ang mga suot na damit. Dagsa na rin ang mga nagtitinda ng tradisyunal na puto bumbong at bibingka na lumaki ang kita mula ng magsimula ang simbang gabi. Salamat naman.
Pagtungtong ng alas dose, sabay-sabay na ang pamilya sa Noche Buena. Lahat ng klaseng pagkaing naka-ugalian na ang nakahanda. Ang importante’y magkakasama-sama. Kuwentuhan, kantahan, at walang humpay na kasiyahan. Hanggang kinabukasan yan. Lahat ng reunion pinipuntahan huwag lang magkatampuhan. Ang mga namamaskong kabataan, pinagbibigyan. Parang trick or treat sa Amerika. Iyan ang Paskong Pinoy. Minsan lang maging magarbo. Todo ang gastos, todo rin naman ang saya.Lord, salamat po at ako’y isinilang Niyong Pinoy.